
MAMBURAO, OCCIDENTAL MINDORO – Pormal nang inilunsad ang programang “Benteng Bigas Meron Na” sa Pamahalaang Bayan ng Mamburao ngayong umaga, Hulyo 2, sa Evacuation Center. Layunin ng inisyatibang ito, na handog ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na maghatid ng Php20.00 kada kilong bigas sa mga residente.
Ang paglulunsad, na pangalawa sa lalawigan ng Occidental Mindoro, ay bunga ng pinagsamang pagsisikap ng Department of Agriculture – Agribusiness and Marketing Assistance Division (DA-AMAD), Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Municipal Veterinary Office (MVET), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), Persons with Disability Affairs Office (PDAO), at ng opisina ni Mayor Atty. EK Almero.
Ang Mindoro Progressive Multi-Purpose Cooperative (MPMPC) ang magiging opisyal na katuwang ng DA-AMAD sa pagpapatuloy ng programa.
Nagpasalamat si Mayor Almero sa lahat ng ahensya at opisina, pati na rin sa suporta ni Vice Mayor Raul Masangkay at ng Sangguniang Bayan, at pagbati mula kay Governor Ed Gadiano.
Kasalukuyang Benepisaryo
Nilinaw ng alkalde na ang inisyal na supply ng bigas, na tinikman at pumasa sa kanilang pamantayan, ay para sa mga vulnerable at marginalized sectors, kabilang ang senior citizens, 4Ps beneficiaries, PWDs, at solo parents muna. Ipinaliwanag niya na may limitasyon sa dami dahil din sa limitadong alokasyon, bagama’t may posibilidad na makabili muli ang lahat kapag nag-restock na ang MPMPC.
Ang bigas, na orihinal na nagkakahalaga ng Php33.00 kada kilo, ay ibinebenta sa Php20.00 dahil sa subsidiya ng MPMPC na Php13.00. Umaasa si Mayor Almero na magtuloy-tuloy ang programa.
Mga Nakiisa
Dumalo sa paglulunsad sina Vice Mayor Masangkay, mga Konsehal na sina Atty. Yanna Abeleda, Doc Wyn Esperanza, Oliver Mataro, Ricky Pantoja, Brian Bautista, Les Calabio, Mel Ramirez, at Eboy Villaflores, kasama si dating PLC President Jenny Villar-Esperanza.
Nagbigay rin ng paliwanag mula sa DA-AMAD sina Supervising Agriculturist at Focal Person Jogilyn Bentoy, kasama si Market Specialist I Marilou Chamorro, at Agri Technician Kathleen Kay Belamide.
Nanguna sa programa si Municipal Agriculturist Sunshine Singun kasama sina Provincial Agriculturist Engr. Alrizza Zubiri, Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen, NFA-San Jose Branch Manager Elimar Regindin, at MPMPC Chairperson Jenife M. Buay (na kumakatawan kay MPMPC Founding Chairman Ma. Sofia Fabillar).
Naroon din para suportahan ang kanilang sektor sina Mamburao OSCA Head Vito Alvarez, Senior Citizens Municipal President Rene Valencia, Brgy. 6 Chapter President Ederlinda Tubiera, at Talabaan Chapter President Virgie Estore, gayundin si MSWDO Head Len Nivea.
_____




