
Humiling ng pang-unawa si Mayor Atty. E-K Almero sa kanyang unang pagpupulong sa mga empleyado, ng Lokal na Pamahalaan ng Mamburao. Ipinaliwanag niya ang mga hamong kinakaharap ng kanyang bagong administrasyon sa pagkuha ng kumpletong dokumentasyon para sa transisyon.
“Please bear with us. Kasi nasa transition pa tayo,” pakiusap ni Mayor Almero. “Naintindihan ko naman na for the past administration ay walang transition. Iyun din ang aking concern before. Kasi required naman ng DILG yung LGU transition, dapat naka-convene na siya two months bago pumasok ang bagong administrasyon. ‘Yun ang wisdom ng transition. Para pagdating ng bagong administrasyon, naka-plot na, even ‘yung mga personnel.”
Kinilala rin ni Mayor Almero ang malaking gawaing kaakibat ng paghahanda ng lahat ng kinakailangang dokumento. “Eh ngayon, kakatanggap lang namin kahapon [ng mga dokumento mula sa iba’t ibang departamento]. So tingnan natin kung magkano pa yung pwedeng pang-sweldo [sa empleyado]. Ang opisina ko nga wala pang laman. So nag-a-adjust pa tayo. Meron din mga deficit at babayaran din.”
Ang kasalukuyang sitwasyon, kung saan mayroon pang hinahabol na mga dokumento, ay nagiging balakid sa mabilis na pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa ng bagong administrasyon. Dahil sa dami at pagiging sensitibo ng impormasyon, nagiging mahirap para sa lokal na pamahalaan na agad matukoy ang kasalukuyang kalagayang pinansyal ng munisipalidad. Mahalaga ito para sa pagba-badget ng suweldo at paglalaan ng pondo para sa serbisyo publiko.
Kinakailangan din ang kumpletong impormasyon tungkol sa mga kasalukuyang proyekto, imbentaryo ng kagamitan, at talaan ng mga tauhan. Ang mga detalyeng ito ay crucial para makagawa ng epektibong desisyon at makabuo ng komprehensibong plano. Kung walang kumpletong datos, nagiging mas challenging para sa bagong pamunuan na matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng LGU.
Ayon kay Mayor Almero, ang lahat ng kanilang magiging aksyon ay nakadepende sa nilalaman ng mga dokumentong dapat naisumite na alinsunod sa hinihingi ng DILG. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paghihintay sa iba pang dokumento bago tuluyang makapagplano ang bagong administration.