MAMBURAO, Occidental Mindoro — Dalawang lola na umabot sa edad na 100 ang kinilala at binigyan ng tig-₱100,000.00 insentibo mula sa National Commission on Senior Citizens (NCSC), December 9, isang patunay ng pagpapahalaga sa kanilang mahabang buhay at ambag sa lipunan.

Pinangunahan ni 𝑴𝒂𝒚𝒐𝒓 𝑨𝒕𝒕𝒚. 𝑬-𝑲 𝑨𝒍𝒎𝒆𝒓𝒐 ang seremonya ng pagkakaloob ng ₱100,000.00 insentibo kay 𝙇𝙤𝙡𝙖 𝙊𝙥𝙧𝙞𝙘𝙚𝙣𝙖 𝙋𝙤𝙧𝙢𝙖𝙧𝙖𝙣 𝘾𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜𝙖𝙣, 100 taong gulang ng Barangay Tayamaan. Samantala, si 𝙇𝙤𝙡𝙖 𝙉𝙖𝙩𝙞𝙫𝙞𝙙𝙖𝙙 𝙎𝙚𝙧𝙫𝙖𝙣𝙙𝙤 𝙎𝙞𝙢𝙗𝙪𝙡𝙖𝙣, kapwa 100 taong gulang ng Barangay 4 ay nakatakdang mag-claim ng parehong halaga sa Manila, kung saan siya kasalukuyang naninirahan. Ang kanyang benepisyo ay ipoproseso nina Project Development Officer III Aira Mari A. Galang-Apacible at Project Development Officer I Shayne R. Onayan ng NCSC.

Ipinaliwanag din ni Mayor Almero na bago pa man siya manungkulan, buwan pa lamang ng Marso ng taong kasalukyan ay naubos na ang pondong inilaan noong 2024 para sa mga senior citizen para sa buong taon ng 2025. Dahil dito, nakatakda siyang maglaan, kasama ang Sangguniang Bayan, ng mas malaking pondo para sa mas pinalakas na local social pension program.

Bukod sa dalawang centenarian, tumanggap din ng halagang 10,000 pesos na insentibo ang mga octogenarian at nonagenarian, isang munting parangal para sa kanilang katatagan at patuloy na presensya sa komunidad.

Ang pagbibigay ng insentibo ay alinsunod sa 𝙍𝙚𝙥𝙪𝙗𝙡𝙞𝙘 𝘼𝙘𝙩 𝙉𝙤. 10868 𝙤 𝘾𝙚𝙣𝙩𝙚𝙣𝙖𝙧𝙞𝙖𝙣𝙨 𝘼𝙘𝙩 𝙤𝙛 2016, na pinalawak sa pamamagitan ng 𝙍𝙚𝙥𝙪𝙗𝙡𝙞𝙘 𝘼𝙘𝙩 𝙉𝙤. 11982 𝙤 𝙀𝙭𝙥𝙖𝙣𝙙𝙚𝙙 𝘾𝙚𝙣𝙩𝙚𝙣𝙖𝙧𝙞𝙖𝙣𝙨 𝘼𝙘𝙩. Sa ilalim ng Centenarians Act, lahat ng Pilipinong aabot sa edad na 100 ay makatatanggap ng ₱100,000.00 at liham mula sa Pangulo ng Pilipinas. Samantala, sa Expanded Centenarians Act, binibigyan din ng ₱10,000.00 insentibo ang mga senior citizen na aabot sa edad na 80, 85, 90, at 95.

Katuwang ni Mayor Almero sa seremonya ng pamamahagi ang mga kinatawan ng NCSC, kasama sina MSWDO Noralen Nieva at OSCA Head Vito Alvarez na kapwa nagpaabot ng kanilang paghanga at pasasalamat sa mga nakatatanda ng bayan. Nagpasalamat na rin si Mayor Almero sa NCSC kasabay ang hiling na patuloy na maging katuwang sa pagbibigay kalinga sa mga senior citizens sa bayan ng Mamburao.

#SeniorCitizenNaman #MamburaoNaman #BayangMaipagmamalaki