MAMBURAO, OCCIDENTAL MINDORO — Bilang tugon sa panganib na dulot ng patuloy na paglapit ng ilog sa Pola Elementary School sa Barangay Balansay, personal na binisita ni Mayor Atty. E-K Almero ang lugar, August 23, upang inspeksyunin ang mga isinagawang hakbang para sa proteksyon ng paaralan at komunidad.
Nauna na siyang nagpadala ng payloader at truck dito, August 20, upang tambakan ang bahagi ng ilog na sinira ng baha. Ang interbensyon ay tugon sa kahilingan ng mga residente at guro ng Pola Elementary School, matapos ang serye ng bagyong nagpalawak sa daluyan ng tubig at nagbanta sa seguridad ng mga mag-aaral.
Ayon kay Mayor Almero, pansamantala pa lamang ang proteksyong naibigay at may mga karagdagang hakbang pa na maaaring gawin upang mas mapatatag ang daluyan ng tubig at maprotektahan ang paaralan.
“Papasuyo natin ito sa ating engineering at GSO para matukoy ang mas matibay na solusyon,” pahayag ng alkalde.
Patuloy ang pagtutok ng LGU sa mga kritikal na lugar na naapektuhan ng pagbaha, kabilang ang Sitio Pola, kung saan ilang ulit nang umakyat ang tubig mula sa ilog patungo sa mga kabahayan.
_____
#KaligtasanNaman#MamburaoNaman







