MAMBURAO, Occidental Mindoro – Nagsagawa ng courtesy visit ang mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Office, October 3 bilang bahagi ng paghahanda para sa planong pagpapatayo ng bagong water supply system sa Enero 2026.
Pinadala ni DENR Undersecretary for Integrated Environmental Science Carlos Primo C. David sina Dea Dominique Tindoc at Via Lynelle Estolero upang personal na alamin ang kasalukuyang kalagayan ng bayan pagdating sa suplay ng tubig. Ang pagbisita ay kaugnay ng naunang pahayag ni Usec. David na isasama ang Mamburao sa listahan ng mga prayoridad na proyekto ng ahensya sa susunod na taon.
Sa isinagawang pakikipagpulong, ipinahayag ni 𝑴𝒂𝒚𝒐𝒓 𝑨𝒕𝒕𝒚. 𝑮𝒍𝒊𝒄𝒆𝒓𝒊𝒐 “𝑬-𝑲” 𝑨𝒍𝒎𝒆𝒓𝒐 𝑰𝑰𝑰 ang kanyang pasasalamat sa DENR at muling iginiit ang kahalagahan ng proyekto para sa mga residente. “Kung meron available na maibibigay na tulong ngayon ay masaya ako, at patuloy pa rin akong hihiling kay USEC sa nasabi niyang plano for next year,” ani Mayor Almero.
Ang pagbisita ay pinangunahan ni 𝑮𝒆𝒏𝒆𝒓𝒂𝒍 𝑴𝒂𝒏𝒂𝒈𝒆𝒓 𝑬𝒏𝒈𝒓. 𝑮𝒍𝒊𝒄𝒆𝒓𝒊𝒐 𝑴. 𝑨𝒍𝒎𝒆𝒓𝒐 𝑱𝒓. ng Mamburao Rural Waterworks and Sanitation Association, kasama sina DENR personnel Arlene A. Angnganay at Kristine Kim Salazar, upang masusing talakayin ang mga teknikal na aspeto ng proyekto.
Ang planong water supply system ay inaasahang magtatayo ng isang tangke na may kapasidad na 100 cubic meters, na layong tugunan ang kakulangan sa tubig at mapalawak ang serbisyong maibibigay sa mga kabahayan sa Mamburao.
#WaterSupplyNaman#MamburaoNaman#BayangMaipagmamalaki





